-- Advertisements --
EXTRADITION

ILOILO CITY – Pinag-iingat na ng Philipine Consulate General ang mga overseas Filipino workers (OFW) sa Hong Kong kasunod ng nangyaring magulong kilos protesta upang tutulan ang kontrobersiyal na extradition bill.

Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Bombo international correspondent Merly Bunda, direkta sa Hong Kong, iniulat nito na pinagbabawalan muna ni Philippine Consul General to Hong Kong Antonio Morales ang mga OFW na lumapit sa mga lugar kung saan nangyayari ang mga protesta kagaya ng Legislative Complex at sa Tamar Park.

Nagbabala rin anya ang konsulada sa mga Pinoy na huwag makisali sa kilos protesta.

Sa ngayon ayon kay Bunda, idineklara ng mga organizers na hindi titigil ang milyon-milyong mga nagsasagawa ng protesta hanggang sa hindi nababasura ang extradition bill na naglalayon na ang mga may kasong kriminal ay dadalhin sa mainland China para doon litisan.

Kahapon ay ipinagpaliaban muna ang pagtalakay sa kontrobersiyal na panukalang batas makaraang isagawa ang protesta sa harapan ng Legislative Complex.

Humantong pa ito sa muling komprontasyon ng mga protesters at riot police hanggang sa napilitang gumamit na ng rubber bullets at tear gas ang mga otoridad upang mabuwag ang pagtitipon.

Naiulat din na maraming sugatan sa naturang pangyayari.

Napag-alaman na tinatayang 13,000 ang mga Pinoy na nagtatrabaho sa Hong Kong kung saan karamihan sa mga ito ay mga domestic helpers.