Pumalo sa halos 131 ang bilang ng mga e-vehicle at na nahuli ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na dumaan sa pangunahing kalsada sa Metro Manila.
Ito ay batay sa kanilang isinagawang monitoring mula alas-sais ng umaga hanggang ala-singko ng hapon noong Abril 17 ng taong kasalukuyan.
Ayon sa datos, nakapagtala ang MMDA ng 72 na bilang ng mga nahuling tricycle habang pumapangalawa naman ang e-bike na nasa 29 at sinundan naman ng mga e-trike na nasa 26 na bilang at pedicab na nasa 4.
Ang mga nahuling lumabag ay minultahan ng 2,500 pesos habang na-impound naman ang halos 41 na mga unit ng hindi rehistrado at walang maipakitang lisensya habang minamaneho ang nasabing sasakyan.
Kung maaalala, mahigpit na ipinagbabawal at hindi na maaaring bumaybay ang mga tricycle, e-bicycle, e-tricycle, maging ang mga kuliglig, kariton at pedicab sa pangunahing daanan sa nasabing lugar upang matiyak ang kaligtasan ng publiko at upang maiwasan ang nakaambang mga aksidente dulot nito.