-- Advertisements --
WHO Tedros COVID

Nagbabala ang World Health Organization (WHO) sa mga bansa at lider ng iba’t ibang dako ng mundo na mas matinding krisis ang kakaharapin nila kung hindi magpapatupad ng maayos na sulusyon laban sa pandemya.

Ginawa ni WHO director general Dr. Tedros Adhanom Ghebreyesus ang paalala kasunod na rin nang paglampas na sa mahigit 14.1 million ang mga naitatalang kaso ng COVID-19 sa buong mundo.

Ayon kay Dr. Tedros ang ipinapatupad na mga lockdown o paghihigpit sa maraming lugar ay nagpapahirap lalo sa 220 million katao sa iba’t ibang panig ng mundo.

Bagamat maaga pa para magkaroon ng full assesment sa epekto ng mga lockdown at pagpapatupad ng mga containment measures laban sa coronavirus, aabot umano sa 132 million katao ang tinatayang makakaranas ng kagutuman ngayong taon.

Liban pa ito sa 690 million katao na nakaranas nang pagkagutom noong nakaraang taon.

Ikinalungkot din ng WHO chief na ang pagbawas sa mga pondo na inilaan sa edukasyon at sa mga programa laban sa kahirapan ay magdudulot lamang ito sa pagkabigo ng 9.7 million na mga bata na makapag-aral bago matapos ang taong ito.

Dagdag pa raw dito ang mga bata na mahuhuli sa kanilang mga aralin.

Kaugnay nito, aminado rin ang WHO na nangangamba sila sa economic impact ng COVID-19 pandemic sa mga nawalan ng trabaho, food shortages, banta ng malnutrisyon, epekto sa mental health, mga nawalan ng serbisyo sa kalusugan at iba pa.

Sa ngayon aniya puspusan ang pakikipag-koordinasyon ng WHO sa pamamagitan ng kanilang mga tanggapan sa 150 mga bansa upang sumuporta sa COVID-19 response.

“While it is too early to assess the full impact of so-called lockdowns and other containment measures, up to 132 million more people may go hungry in 2020, in addition to the 690 million who went hungry last year,” ani Dr. Tedros sa kanyang Twitter statement. “Deep budget cuts to education and rising poverty caused by the #COVID19 pandemic could force at least 9.7 million children out of school forever by the end of this year, with millions more falling behind in learning.”