Ibinunyag ng Philippine Statistics Authority (PSA) na nasa 1,322 na indibidwal na nakatanggap umano ng disbursement mula sa P500-million confidential fund ng Office of the Vice President (OVP) ang walang record sa national registry.
Ito ay humigit-kumulang two-thirds ng 1,992 na mga pangalan na isinumite ng House committee on good government and public accountability para iberipika.
Ayon sa ahensya, 670 lamang ang natukoy na posibleng tugma sa mga kasalukuyang records.
Nasa 1,456 na indibidwal naman ang kulang ng marriage records, at aabot lamang sa 536 na pangalan ang posibleng tugma sa kanilang database.
Dagdag ng PSA, papalo sa 1,593 na mga indibidwal ang walang death records, kung saan 399 ang may kaukulang entries.
Ang datos na ito ay nakapaloob sa letter ni National Statistician at Civil Registrar General Undersecretary Claire Dennis Mapa kay Manila 3rd District Representative Joel Chua, chair ng House Committee on Good Government and Public Accountability.
Ayon naman kay Chua sa isang pahayag, ang sertipikasyon na mula sa PSA ay medyo kaduda-duda.
Aniya, kung ang mga pangalan ay hindi mahanap sa civil registry posibleng ang mga ito ay hindi nag-e-exist.
Maaaring ginawa aniya ang mga acknowledgment receipts upang bigyang katwiran ang disbursement ng confidential funds ng ahensya.
Una rito, natukoy ng mga naunang imbestigasyon ng House panel ang mga discrepancies na nauugnay sa isang “Mary Grace Piattos,” isang pangalan na madalas na lumalabas sa acknowledgement receipts na nauugnay sa confidential funds ng tanggapan ng bise presidente.
Una na ring sinabi ni VP Sara na hindi niya nakita ang mga acknowledgement receipts mula sa confidential funds na pinirmahan umano ni “Mary Grace Piattos.”