Kabilang na sa health insurance program ng Quezon City government ang mga non-plantilla employees at mga nagtatrabaho sa ilalim ng special projects.
Ayon kay Quezon City Mayor Joy Belmonte, kinikilala ng pamahalaang lokal na mahalaga ang health and safety ng buong workforce ng city government kaya mahalaga na mabigyan ng proteksiyon ang mga ito sa pamamagitan ng health insurance.
Binigyang-diin ni Mayor Belmonte na ang nasabing inisyatibo ng pamahalaang lokal ay para matiyak na ang lahat na nagtatrabaho sa siyudad anuman ang kanilang employment status ay nasa maayos na pangangatawan ng sa gayon makapag-deliver ang mga ito ng epektibo at episiyenteng serbisyo sa mga QCitizens.
Kabilang sa nasabing programa ang lahat ng full-time contract of service (COS), job order (JO), at consultant employees sa executive and legislative branches, at nakapagsilbi na ng hanggang anim na buwan na tuloy-tuloy o uninterrupted service.
Ayon kay Ronald Tan, officer-in-charge ng QC Human Resource Management Department (HRMD), sa ilalim ng nasabing programa nasa 13,000 eligible non-plantilla workers ang mabibigyan ng health benefits.
Ang nasabing benepisyo ay may benefit limit of P100,000 per member per year.
Kabilang sa nasabing benepisyo ang annual physical examinations, emergency care services, hospitalization or in-patient care at out-patient services, insurance for pre-existing and critical illnesses, and life insurance.