KORONADAL CITY – Hiling sa ngayon ng pamilya ni Bombo Bart Maravilla, isa sa 58 biktima ng Ampatuan massacre na maaresto na o mahuli na ang higit 40 mga at-large na suspek ng upang makamit na nila ang “full justice” sa pagkamatay nito.
Ito ang inihayag ni Janchiene Maravilla, anak ni Bombo Bart sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Janchine, kahit 13 taon na ang nakalipas mula nang maganap ang massacre ay halos hindi pa rin nila ito makalimutan ang nangyari.
Sa ngayon, itinuturing pa rin nila na “partial justice” ang natamo ng kanilang ama dahil sa may mga myembro pa rin ng political clan na Ampatuan na malaya at nasa kapangyarihan.
Ayon pa kay Maravilla, hiling nila sa Marcos administration na sana ay huwag kalimutan ang nangyari sa 58 nagbuwis ng buhay dahil sa pagkagahaman sa pulitika ng makapangyarihang pamilya.
Ngayong araw kasabay nga ika-13 anibersaryo ng Ampatuan Massacre ay bibisitahin ulit ng mga kaanak ng biktima ang massacre site upang mag-alay sng panalangin, bulaklak at sinindihan ng kandila ang grave site kung saan nahukay ang bangkay ng mga biktima kabilang na ang tatlumpu’t dalawang kasapi ng media.
May gagawin ding mga aktibidad sa Forest Lake cemetery sa lungsod ng General Santos kung saan nakailibing ang ilang mga biktima.
Samantala, una nang binisita ng pamilya Maravilla ang libingan ni Bombo Bart dito sa Koronadal Eternal Garden sa lungsod ng Koronadal noong kaarawan nito.