Nagsimula nang makaranas ang probinsya ng Benguet ng malamig na panahon kasabay ng unti-unting pagpasok ng hanging amihan.
Ito ang malamig na simoy ng hangin na kadalasang iniuugnay sa holiday season.
Batay sa record ng Benguet Radar Station sa Mount Santo Tomas sa bayan ng Tuba, umabot sa 14.7 degrees Celsius ang naramdamang temperatura nitong Oktobre 22, 2024.
Habang sa record naman ng Agromet Station sa Benguet State University (BSU) sa bayan ng La Trinidad, umabot sa 17.3 degrees Celsius ang naramdamang temperatura nitong Oktubre 22, 2024.
Inaasahang magtutuloy-tuloy na ang malamig na temperaturang mararanasan ng mga residente habang unti-unting pumapasok at lumalakas ang northeast monsoon.
Noong Enero 29 ng kasalukuyang taon, naitala ng Benguet ang pinakamalamig na temperatura ngayong taon na 9.7 degrees Celsius.
Umaabot naman sa 19°C ang temperatura sa Baguio City, ang tinaguriang ‘Summer Capital of the Philippines’, na nasa sentro ng probinsya ng Benguet.