-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Naglunsad na ng malalimang imbestigasyon ang pulisya sa natagpuang bangkay ng 14-anyos na dalaga na pinaniniwalaang hinalay sa Lingig, Surigao del Sur.

Sa impormasyong nakuha ng himpilan, natagpuan dakong alas-2:00 ng hapon ang bangkay sa damuhan sa ilalim ng mga puno ng niyog sa may Purok-2b, Barangay Poblacion, na sakop sa nasabing bayan.

Nakita raw ito ng mga linemen ng isang telecommunication company na gumagawa ng linya.

Nakilala ang biktima na si Maria Bandayanon na taga Purok-5, sa nasabi ring barangay.

Ayon sa ina nito, nagpaalam ang kaniyang anak na pumunta sa disco sa kabilang barangay na na may piyesta.

Nagtataka na lamang ito na hindi na nakauwi ang biktima hanggang natagpuan na lamang ang bangkay.

Pinaniniwalaang hinalay ito bago pinatay dahil wala na ang damit na pang-ibaba ang biktima ngunit patuloy pang hinihintay ang resulta sa ginawang imbestigasyon ng SOCO.