TACLOBAN CITY – Patay ang isang lalaki matapos saksakin ng isang 14-anyos na suspek sa Barangay Sto. Niño, Matalom, Leyte.
Ayon kay Pol. Lt. Arvin Presbitero, hepe ng Matalom-Philippine National Police, kinilala ang biktima na si Virgillo Gono, nasa wastong taong gulang, isang deaf mute at residente ng nasabing lugar.
Base sa inisyal na imbestigasyon, nagtungo sa police station ang suspek upang ireport na mayroon diumano itong nakitang bangkay.
Kinalaunan ay nadiskubrehan ng kapulisan na ang mismong dumulog sa kanilang ang sumaksak sa biktima.
Sa salaysay ng menor de edad na suspek, inutusan lang daw siya ng kanyang mga kainumang tatlong pedicab drivers na saksakin o patayin ang biktima kapalit ng P50.
Nakita rin ng mga otoridad ang damit ng suspek na may mantsa ng dugo at sunod ang kutsilyong ginamit nito sa pagsaksak sa biktima.
Sa ngayon ay nai-turnover na ang suspek sa Municipal Social Welfare and Development Office dahil menor de edad pa lamang.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya tungkol sa insidente.