CENTRAL MINDANAO-Bagong taon ,bagong pag-asa at bagong buhay ang nais ng labing apat (14) na rebelde na sumuko sa Joint Task Force Central sa probinsya ng Cotabato.
Ang mga rebelde ay mga tauhan ni Kumander Kagui Karialan ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF-Karialan faction).
Sumuko ang 14 BIFF sa tropa ng 34th Infantry Batallion Philippine Army sa pamumuno ni Lieutenant Colonel Edgardo Vilchez Jr sa Barangay Salunayan Midsayap Cotabato.
Isinuko ng mga rebelde ang pitong mga matataas na uri ng armas na kinabibilangan ng isang M16 Atmalite rifle,(1) M1 Garand rifle,(1) M14 rifle,(2) Cal .50 modified Barret sniper rifle,(1) 7.62mm modified Barret sniper rifle,(1) Cal .45 Pistol,mga bala at mga magasin.
Sinabi ni Colonel Vilchez na 12 sa mga mandirigma ay nasa hustong gulang habang dalawa (2) ay mga menor de edad.
Naging matagumpay ang pagsuko ng mga rebelde sa pamamagitan ng magkasanib na pagsisikap ng militar, PNP, iba pang ahensyang nagpapatupad ng batas at lokal na komunidad sa lugar.
Pinuri naman ni 602nd Infantry Brigade Commander Colonel Jovencio Ganzales ang pagsisikap ng 34IB,PNP at ng Local Government Unit ng Midsayap Cotabato sa matagumpay na pagsuko ng mga rebelde.
Binigyang-diin ni 6th Infantry (Kampilan) Division Chief at Joint Task Force Central Commander Major General Juvymax Uy ang pagsuko bilang bahagi ng pagsisikap ng 6ID na wakasan ang marahas na ekstremismo sa Central Mindanao bago matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Hinikayat muli ni MGen Uy ang ibang BIFF na sumuko na at mamuhay ng mapayapa.