NAGA CITY – Nasa 14 pang mga barangay mula sa apat na bayan sa Camarines Sur ang nananatiling baha sa ngayon dahil sa nararamdamang mga pag-uulan.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga mula sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council, ang naturang mga barangay ay mula sa mga bayan ng Del Gallego, Lupi, Libmanan at Camaligan.
Mahigit 200 pamilya o 882 katao naman ang nananatili pa rin sa ngayon sa mga evacuation centers
Maliban dito, una nang nagpatupad ng decampment sa 32 barangay ng 15 bayan kung saan nasa 400 pamilya o 1 654 katao ang nakauwi na sa kanya-kanyang mga bahay.
Sa inisyal na pagtatala ng PDRRMC, ilang mga kalsada at mga tulay din mula sa apat na barangay sa Libmanan ang nasira ng mga pagbaha.
Samantala, hindi pa rin madaanan ng mga sasakyan ang tatlong footbridge sa Barangay Cambalidio sa parehong bayan matapos mawash-out ng baha nitong mga nakaraang araw.