(Update) DAVAO CITY – Nasa mabuting kalagayan na ngayon ang 14 na mga Grade 4 students ng AMA Learning School sa Malvar sa lungsod matapos madala sa hospital dahil sa pagkalason sa kinaing food pack na binili sa isang kilalang fast food chain.
Ayon kay alyas Roselle, ina ng isa sa mga estudyante nagpabili siya ng food pack bilang pakainn sa mga estudyante dahil hindi nakapag-celebrate ng birthday ang kanyang anak na kasama ang mga kaklase nito.
Pagdating umano ng food pack pasado alas-11:00 ng umaga kahapon, agad nilang ipinakain sa mga estudyante para sa kanilang tanghalian.
Ngunit paglipas ng halos isang oras, sumakit na ang tiyan at nagsusuka na umano ang mga estudyante dahilan upang dinala ang mga ito sa ospital.
Sinabi rin ni alyas Roselle, wala umanong ibang kinain ang mga bata kung hindi ang inorder lamang niya na food pack na kinabibilangan ng piniritong manok, kanin at softdrinks.
Hindi naman lahat ng mga estudyante ang nagkasakit dahil 14 lamang sa 36 na binigyan ang nakaranas ng pananakit ng tiyan.
Dagdag na imbestigasyon ang isinagawa ngayon ng otoridad sa nasabing insidente.