Patay ang 14 na katao dahil sa baha at landslide sa Sulawesi island, Indonesia.
Ayon kay local rescue chief Mexianus Bekabel, nagresulta ng mga landslide o pagguho ng lupa ang pagbuhos ng malalakas na pag-ulan simula pa noong Huwebes sa Luwu district sa South Sulawesi province.
Bunsod ng mga pagbaha na may taas na umaabot sa 3 metro o 10 talampakan, apektado ngayon ang 13 sub-districts habang nababalot ng tubig-baha at putik ang lugar.
Mahigit 1,000 kabahayan naman ang apektado kung saan 42 dito ang natangay.
Puspusan naman ang paglikas ng search and rescue team sa mga residente gamit ang rubber boats at iba pang mga sasakyan.
Ayon naman kay National Disaster Management Agency spokesperson Abdul Muhari nasa 100 residente na ang inilikas sa mga mosque o sa bahay ng kanilang mga kamag-anak sa labas ng apektadong lugar.
Ang seasonal na mga pag-ulan ay madalas na nagdudulot ng landslide at baha sa Indonesia na binubuo ng mahigit 17,000 isla kung saan milyun-milyong katao ang naninirahan sa mga bulubunduking lugar o kapatagan.