CEBU – Nakumpiska ng Bureau of Customs Cebu Subport Mactan ang umabot sa 14 kilograms ng ‘live fish’ na nagmula pa sa Taiwan.
Inihayag ng Bureau of Customs Port of Cebu sa pamamagitan ng kanilang Facebook post na dumating ang shipment sa Mactan-Cebu International Airport noong Nobyembre 25 nitong kasalukuyang taon kung saan kulang ito sa required Import Clearance ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Kaugnay nito, agad na isinagawa ang joint operation na pinangunahan nina Customs Acting Warehouseman Niña Cheza A. Dela Peña at BFAR Quarantine Officer Ronald Cabiles at doon nadiskubre na nakasilid pa sa plastic bags ang mga ornamental fish na Angelfish at Guppies na nagmula pa sa Taiwan via HongKong.
Walang umanong prior clearance ng BFAR ang naturang shipment dahilan upang maglabas ng Warrant of Seizure and Detention si Port of Cebu Acting District Collector Atty. Charlito Martin R. Mendoza laban sa shipment dahil sa paglabag nito sa Section 1113 (F) at (L) (5) sa Section 117 ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
Sa ngayon na-iturn-over na ang shipment sa tanggapan ng BFAR para sa proper disposition.