-- Advertisements --

LAOAG CITY – Aabot sa 14 na pagguho ng lupa ang narekord na nangyari sa Ilocos Norte-Cagayan boundary dahil sa walang tigil na pag-ulan mula pa Linggo ng gabi.

Nangyari ang 10 landslide sa Bantay Kalbalyo sa bahagi ng Barangay Pasaleng sa bayan ng Pagudpud at ang apat naman at sa bayan ng Sta. Praxedes, Cagayan.

Ayon kay District Engr. Maria Venus Torio ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ng Ilocos Norte, dahil dito ay ilang oras na hindi nakadaan ang kahit anong klase ng sasakyan mula sa Ilocos papuntang Cagayan.

Sinabi nito na sa pamamagitan ng lokal na pamahalaan ng Pagudpud at Dumalneg dito sa lalawigan ay natanggal ang mga tumabon na lupa sa half lane ng kalsada.

Samantala, kinumpirma ni Mayor Esterlina Aguinaldo sa Bombo Radyo Laoag na apat na landslide ang nangyari sa kanilang bahay dahil sa tuloy-tuloy at malakas na pag-ulan.

Maliban dito, inanod din ng malakas na agos ng tubig mula sa umapaw na Langgangan river ang bahay ni Mr. Miguel Maruquin sa Barangay Salungsong sa nasabing bayan.

Ganunpaman, walang nangyari sa kay Maruquin dahil agad itong nagising at agad ring nailikas.