CEBU CITY – Pinaniniwalaang mga supporters at miyembro umano ng New People’s Army (NPA) ang 14 na napatay sa isinagawang simultaneous police operation sa probinsya ng Negros Oriental.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Brig. Gen. Debold Sinas, sinabi nito na nakatanggap umano sila ng impormasyon na mayroon daw mga cadres at kasapi ng SPARU ng NPA sa Canlaon City, Sta. Catalina at Manjuyod sa nasabing probinsya.
Pinaghihinalaan din daw ni Sinas ang mga subject ng search warrant na responsable sa pagsasagawa ng mga karahasan at harassment sa mga sakop ng pulisya sa lalawigan noong nakaraang mga buwan kung kaya’t inaplyan nila ito ng search warrant sa kasong illegal possession of firearms.
Maliban sa namatay, 12 rin ang nahuli ng PNP at nakarekober din sila ng mga dokumento at mga baril
Plano rin umano ng mga NPA na lusubin ang Canlaon PNP base na rin sa mga dokumento na nakuha nila sa isa sa mga subject ng search warrant.
Mayroon din daw mga sketch ng Canalaon City Police station, pati na rin ang bilang ng mga nakaduting pulis at oras ng kanilang duty.
Kung nagkataon umano na hindi nila naunahan ang NPA, malalagay umano sa alanganin ang mga pulis ng Canlaon dahil kalkulado na umano ng mga rebelde ang bawat galaw ng mga pulis sa nasabing lugar.
Napag-alaman na noong nakaraang linggo isinailalim sa red alert status ang Negros Oriental at dinagdagan na rin ang tropa sa Canlaon City PNP sa posibilidad na paglusob ng mga NPA.