-- Advertisements --

Tinatayang nasa 14 na mga paaralan mula sa Eastern Visayas ang lalahok sa isasagawang pilot testing ng face-to-face classes sa darating na buwan ng Enero.

Ito ang ibinunyag ni DepEd Regional Information Officer Jasmin Calzita kung saan magmumula ang 14 na paaralan sa apat na schools division sa rehiyon ng Leyte, Southern Leyte, Samar, at Calbayog City.

Dagdag pa nito, isinumite nila ang nasabing mga paraalan bilang bahagi ng pilot face-to-face classes sa mga low-risk areas sa ilalim ng modified general community quarantine status.

Nilinaw naman nito na wala pang target sa bilang ng mga estudyante na maaaring lumahok sa face-to-face classes.

Napag-alaman na base sa record ng Department of Health (DOH) regional office, tatlong bayan sa Eastern Visayas ang nananatiling walang kaso ng coronavirus disease (COVID-19) na kinabibilangan ng Jipapad sa Eastern Samar at ang Talalora, Tagapul-an sa lalawigan naman ng Samar. (with report from Bombo Jane Bunas)