-- Advertisements --
6th ID maguindanao AFP BIFF 1
6th Infantry Division – Kampilan

CENTRAL MINDANAO – Labing apat na mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang sumuko sa militar sa lalawigan ng Maguindanao.

Ayon sa ulat ng 6th Infantry (Kampilan) Division na isang mataas na pinuno ng BIFF at 13 mga kasamahan nito ang sumuko sa 33rd Infantry Battalion Philippine Army sa pamumuno ni Lt. Col. Elmer Boongaling.

Dala ng mga rebelde sa kanilang pagbabalik-loob sa gobyerno ang tatlong rocket propelled grenade (RPG) launchers, dalawang M16 armalite rifles, isang kalibre .45 na pistola, isang M14 rifle, isang uzi 9mm, at isang cal. .50 barrett.

“Simula pa 1972 ay isa na akong rebelde at sa pagiging rebelde nabatid ko na walang mabuting naidulot ito sa aking sarili at sa aking pamilya lalo na sa kinabukasan ng aking mga anak. Nandyan na ang BARMM at sa tingin ko ganun din ng aking mga kasama, wala na kaming dahilan upang makipaglaban at hindi makipagtulungan sa gobyerno, ” ayon sa isang lider ng BIFF.

“Ang pamunuan ng 33rd IB at ng 6th ID ay bukas para sa mga nais yumakap ng kapayapaan. Handa kaming makipag-usap sa lahat ng grupo na nagnanais ng mapayapang buhay para sa kanilang sarili at sa kanilang mga anak at kapamilya,” ani Lt. Col. Boongaling.

Malugod na pagtanggap at pangunang ayudang pinansiyal ang pinagkaloob ng 601st Infantry Brigade na pinamumunuan ni Col. Jose Narciso.

“Ikinagagalak ko ang hakbang at desisyon na inyong ginawa, mananatiling bukas ang pintuan ng gobyernong ito para sa mga nais pang mag balik loob”,dagdag ni Narciso.

Ang mga nagbalik-loob sa pamahalaan ay makakatanggap ng tulong mula sa Maguindanao provincial government at BARMM. Kabilang dito ang ayudang pang kabuhayan at pinansyal, libreng edukasyon para sa mga anak, at medical.

Patuloy ang pagsisilbi ng 33rd IB sa pagbibigay ng iba’t ibang programa na kung saan ay nagiging abot kamay sa mga mamamayan ang basic social services sa tulong at suporta ng lokal na pamahalaan kabilang ang BARMM at Maguindanao.

Ipinapaabot naman ni 6th Infantry Division commander Maj. Gen. Diosdado Carreon ang kanyang pagbati sa mga nagbalik-loob at ipinahayag ang kanyang pagtanggap sa mga ito.

Sa kasalukuyan ay nasa pangangalaga ng 33rd IB ang mga sumukong rebelde.