(Update) BACOLOD CITY – Hinihintay pa ng Philippine Coast Guard (PCG) ang marine protest na isusumite ng Ocean Jet na bumangga sa pantalan ng Bacolod kahapon ng hapon kung saan 14 pasahero ang sugatan.
Una rito, pasado alas-4:00 ng hapon nang bumangga sa BREDCO Port ang Ocean Jet 12 na may sakay na 147 na mga pasahero galing sa lungsod ng Iloilo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod sa officer-in-charge ng City Disaster Risk Reduction and Management Office na si Dondon Parandas, kaagad silang nagpadala ng dalawang ambulansiya upang respondehan ang mga pasahero na nagtamo lamang ng minor injuries kung saan ang isa ay na-nose bleed.
Sa pahayag ng ilang mga pasahero mabilis ang takbo ng barko na nagresulta sa pagbangga nito sa daungan.
Ayon kay Coast Guard Negros Occidental commander Lt. Senior Grade Rockliff Buling, nagmalfunction ang throttle ng barko na nagresulta sa insidente.
Hihintayin naman ng PCG ang marine protest upang maipaliwanag ng Ocean Jet ang nangyari.