Inaasahang makakarating na sa bansa bukas, Pebrero 21, 2024, ang panibagong batch ng mga Filipino repatriates mula sa Gaza Strip.
Ayon sa Philippine Embassy in Egypt, ang naturang batch ay binubuo ng 14 na mga Pilipino at dalawang Palestinian relatives nito.
Sa tulong ng Philippine Embassy in Egypt ay natulungang makatawid sa Rafah border mula sa Gaza ang naturang mga Pilipino noong Pebrero 17, 2024.
Ito ay sa gitna ng nagpapapatuloy na labanan sa pagitan ng Israeli Defense Forces at militanteng grupong Hamas.
Samantala, sa ngayon ay matagumpay nang nailikas ng mga kinauukulan ang 136 sa 137 na mga Pilipinong naipit sa naturang giyera mula sa Gaza patungong Egypt.
Resulta ito ng pagtutulungan ng mga embahada ng Pilipinas sa Egypt, Jordan, Israel, at gayundin ang Department of Foreign Affairs – Office of the Undersecretary for Migrant Workers Affairs.