BUTUAN CITY – Patuloy ang paghahanda ng Department of Education (DepEd) Caraga para sa pag-pilot na ng face-to-face classes sa iilang mga piling paaralan sa buong bansa.
Dito sa rehiyon, inihayag ni DepEd-Caraga spokesperson Peter Tecson na sa 20 mga pampublikong paaralang na-identify na magsasagawa ng in-person classes, umabot na lamang ito sa 14 matapos ang isinagawang evaluation at assessment ng mga taga-Department of Health kasama na ang kaukulang mga local government units at sa mga magulang.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni Tecson na sa nasabing bilang, kasama na dito ang sa elementarya at sekondarya na nasa Dinagat Island province, Siargao Island at iilang paaralan ng Surigao del Norte at Surigao del Sur.
Nilinaw ng opisyal na walang paaralan mula sa ibang lalawigan ng Caraga ang pinahihintulutang mag-face-to-face classes dahil sa mataas pang mga kaso ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Araw-araw umano ang kanilang monitoring sa nasabing mga tunghaan dahil pinagsisikapan nilang mapatupad na ito kahit sa iilang mga estudyante pa lamang.
Nilinaw din ni Tecson na hindi lang ang DepEd ang magdedesisyon kung anong mga paaralan ang isasama nila sa nasabing klase kundi pati na ang local government unit, Department of Health at mga magulang.
Para sa mga kindergarten, 12 lang na mga bata ang tatanggapin sa isang klase habang 16 naman para sa Grades 1 hanggang 3 na magkaklase ng tatlong oras lang sa loob ng isang araw habang 20 mga estudyante naman sa senior high school at apat na oras lang ang kanilang klase.
Blended learning din ang magaganap dahil hindi araw-araw ang klase kundi salitan kada-linggo kungsaan sa susunod na linggo ay online na naman.
Ang mga guro naman ay kailangang residente ng lugar kungsaan matatagpuan ang paaralan at dapat ay bakunado din.
Kung may magpositibo ng COVID-19 sa mga nasa klase, otomatikong isususpende ang face-to-face classes.