-- Advertisements --
TUGUEGARAO CITY – Halos 20 katao ang nasugatan matapos araruhin ng kotse ang isang lamay sa Bulanao, Tabuk City, Kalinga.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni P/Staff/Sgt. Zaldy Chumacog ng Tabuk-Philippine National Police, na nahilo umano ang driver ng sasakyan na si Aurora Amilig, 47-anyos, habang papauwi sa kanyang bahay sa Purok 5 Bulanao.
Dumiretso ang sasakyan sa grupo ng mga tao na nasa burol sa gilid lamang ng kalsada.
Kaagad namang naisugod sa pagamutan ang mga biktima na pawang mga senior citizen at isang menor de edad na karamihan ay residente sa iba’t-ibang lugar sa Kalinga.
Nahaharap na ang suspek sa kasong reckless imprudence resulting in multiple injuries.