Pinagpapaliwanag ng pulisya ang administrador ng PBCom Tower sa Makati City, matapos maaksidente ang 14 na pasahero ng elevator nito na nag-aberya kaninang madaling araw.
Ayon kay Makati City PNP chief of police S/Supt. Rogelio Simon, kailangang matukoy kung may pagkukulang sa maintenance ng pasilidad ang mga opisyal na nagpapatakbo sa operasyon ng gusali.
Batay sa ulat, galing 52nd floor ang biyahe ng elevator lulan ang 30 pasahero.
Pero pagdating sa ika-47 palapag ay naging abnormal na raw ang andar nito hanggang ground floor.
Agad isinugod sa pinaka-malapit na pagamutan ang mga nasugatang biktima na pawang mga call center agents, Chinese at Malaysian nationals.
Nilinaw naman ng pulisya na hindi dumausdos ang elevator, gayundin na hindi nalagot ang mga kable nito.
Sa ngayon tikom pa rin ang panig ng kompanyang may-ari ng gusali hinggil sa aksidente.
May taas na 850-feet, ang PBCom Tower ang ikatlong pinakamataas na gusali sa buong Pilipinas.