-- Advertisements --

Sumiklab ang panibagong na namang engkwentro kaninang umaga sa may Barangay Igasan, Patikul, Sulu kung saan 14 na mga sundalo ang sugatan.

Ayon kay Philippine Army spokesperson Col. Benjamin Hao, nagsasagawa ng focused military operation ang mga tropa ng 32nd Infantry Battalion sa pamumuno ni Lt. Flores kaninang dakong alas:9:00 ng umaga nang makasagupa nila ang nasa 120 Abu Sayyaf group (ASG) members sa pamumuno ng leader na si Radulan Sahiron.

Ayon kay Hao, may nagsumbong sa militar kaugnay sa presensya ng mga bandidong grupo sa pamumuno ni Sahiron kasama ang dalawang sub-leaders na sina Sawadjaan at Almuher Yadah.

Habang papalapit ang mga tropa ay pinaulanan na sila ng bala ng bandidong grupo.

Mayroon pa umanong sumabog na tinutukoy pa sa ngayon kung ano ito.

Sa panig ng ASG, hindi mabilang na casualties ang naitala ng militar batay na rin sa mga bakas ng dugo na nakita sa encounter site.

Nagpapatuloy pa rin sa ngayon ang hot pursuit operations laban sa teroristang grupo.

Batay sa inisyal na report isa sa mga apo ni Sahiron ang mga naging casualties sa panig ng teroristang grupo.

Samantala, gagamit na rin daw ng surface-to-surface missiles ang militar laban laban sa mga bandidong Abu Sayyaf.

Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, ang mga missiles ay naka-equip sa mga bagong gunboats ng Philippine Navy na ide-deploy na ngayon sa may bahagi ng Sulu at Basilan kung saan nagpapatuloy ang opensiba laban sa bandidong grupo.

Pahayag pa ng kalihim, ang pagbuhos ng pwersa ng militar laban sa Abu Sayyaf ay nagpapakita lamang kung gaano kadeterminado si Pangulong Rodrigo Duterte na pulbusin na ang mga terorista.

Dagdag pa ni Lorenzana, inilunsad ang operasyong ito matapos pugutan ng ulo ng grupo nitong nakalipas na araw ang dayuhang bihag na si Jurgen Kantner na dinukot noon pang November 2016.