-- Advertisements --

GENERAL SANTOS CITY- Kustodiya ngayon ng Bahay Pag-asa sa Barangay Sinawal nitong lungsod ng Heneral Santos ang tatlong menor de edad matapos mahuli dahil pinagtulungang gahasain ang isang 14 taong gulang sa Brgy. Mabuhay ng lungsod.

Ayon kay Police Major Robert Fores, ang Chief of Police Station ng Mabuhay Police Station, isa sa suspek ay 14 taong gulang habang dalawa naman ay 16 taong gulang. Maliban sa tatlo, may kasama silang isa pang menor de edad na ayon kay Fores maaaring gawing potential witness sa krimen. Aniya, hindi sumali ang nabanggit na menor de edad sa panghahalay sa biktima ngunit nakita nito ang lahat ng pangyayari.

Ang biktima ay hindi nakahingi ng tulong dahil sa sobra umanong kalasingan nito.

Ayon kay Fores, bago ang krimen ay niyaya ang biktima ng isa sa classmate nito na mag-inuman sa isang kubo sa bakanteng lupa.

Nang malasing ang mga ito ay doon na nangyari ang panghahalay.

Sa interview naman ng Bomboradyo kay Allan Bacali, Vice President ng isang asosasyon sa nabanggit na lugar, ayon dito, isa ang kanyang anak sa sumaklolo sa biktima bago pa humingi ng tulong sa kanilang guro para magreport sa pulisya.