(Update) BAGUIO CITY – Nahaharap na sa kasong paglabag sa RA 9165 o ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang 14 na mga turista, kasama ang isang menor de edad dahil sa pagdadala ng mga ito ng ipinagbabawal na marijuana matapos silang mahuli sa Bontoc, Mountain Province.
Ayon sa Mt. Province PNP, nakatanggap sila ng impormasyon ukol sa pagbiyahe ng nasabing mga indibidwal lulan ng isang gray van na may plakang NDA 9871 ng mga pinaniniwalaang marijuana.
Agad isinagawa ang checkpoint/interdiction operation Bontoc-Kalinga National Road partikular Caluttit, Bontoc, Mountain Province na nagresulta sa pagpara ng mga ito sa nasabing van at sa pagkumpiska sa ilang mga marijuana.
Nakilala ang mga nahuling sina John David Ibale Tapar, 31, driver ng van; Benjamin Ibale Tapar, 24, estudyante; John Paul Avana Calimlim, 24; David Kim Tacusalme Ocampo, 23, driver; Ralph Cabral Basilio, 24; Michael Buan Reyes, 26; Audie Ramos Galany, 49, negosyante; Princess Ibale Galany, 37, bank employee; Miguel Lorente Irieman, 24, sales agent; Julius Maynete Carbao, 22; Robert Bautista Sosa, 19, operator ng international wiring system; Clarisa Bautista, 23, online seller; Jomar Lee Sicat Maynete, 24; at isang 17-anyos kung saan pawang residente ng Tarlac City ang mga ito.
Nakumpiska mula sa mga tatlong backpacks ng mga ito ang tatlong bricks ng dried marijuana leaves, dalawang rolyo ng dried marijuana leaves, isang zip lock na naglalaman ng dried marijuana leaves at isang tupperware na naglalaman ng dried marijuana leaves kung saan may kabuuang halaga ang mga ito na aabot sa P365,000.
Napag-alaman sa karagdagang imbestigasyon na nagmula ang mga nasabing indibidual sa Buscalan, Tinglayan, Kalinga.
Gayunman, walang sinuman sa 14 na turista ang umamin na nagmamay-ari sa mga nasabing backpacks.