BAGUIO CITY – Nasungkit ng 14-year-old racing prodigy na si Iñigo Anton ng Baguio City ang kampeonato sa katatapos na 2019 Philippine Autocross Championship Series.
Naging mahigpit ang kompetisyon sa pagitan nina Iñigo, ang kanyang ama na si multi-titled racer Carlos Anton, kasama pa si champion racer Estefano Rivera at ng higit 40 pang race drivers.
Gayunman, nagawa ng nakababatang Anton na naitala ang kampeonato sa ikalawa, ikalima, ikapitong round ng serye.
Nagawa din nitong maiuwi ang titulo bilang overall champeon matapos talunin ang kanyang ama sa isang punto na lamang sa ikawalo o ng huling round ng serye sa final showdown na naganap sa Santa Rosa.
Dahil sa panalo ni Iñigo, nakilala itong pinakabatang kampeon sa 20-taon na kasaysayan ng Philippine Autocross Championship Series.
Maaalalang napanalunan din ni Carlos Anton ang kampeonato sa Philippine Autocross Championship Series noong 2009.