Nag-abiso na ang MMDA sa mga motorista at commuter na babagtas ng EDSA ngayong Holy Week dahil sa inaasahang pagdami sa bilang ng mga bus, dulot ng pansamantalang pagtigil ng operasyon ng Metro Rail Transit (MRT-3).
Nitong umaga nang magsimula nang maghakot ng pasahero ang mga bus na idineploy ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) bilang alternatibong sasakyan ng MRT commuters.
Sa isang panayam sinabi ni MMDA traffic head Bong Nebrija, aabot sa 140 bus ang kanilang ide-deploy.
Pupwesto ang mga ito sa North EDSA at Pasay, Taft Avenue na kapwa dulong istasyon ng naturang linya ng tren.
Magsasakay at magbaba lamang ng pasahero ang nasabing mga bus sa kada istasyon ng MRT-3.
Habang pareho rin ang pamasahe rito sa rate ng tren.
Batay sa advisory ng MRT-3, simula ngayong araw hanggang April 21 ay naka-shutdown ang linya ng tren dahil sa taunang maintenance nito.
Samantala ang LRT-1 at LRT-2 ay nasa regular operation pa sa ngayon hanggang Miyerkules at maghihinto ng biyahe mula Huwebes Santo hanggang Easter Sunday, April 21.