-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Pansamantalang itinigil ng Provincial Health Office (PHO)-Aklan ang kanilang libreng mass testing sa mga tourism workers sa isla ng Boracay.

Ayon kay Dr. Cornelio Cuatchon Jr. ng PHO-Aklan pinauwi muna nila ang kanilang surveillance team matapos na tamaan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang lima sa kanilang empleyado sa opisina.

Maituturing na high risk contact ang kanilang mga staff dahilan na ipina-isolate muna ang mga ito.

Sa ikatlong bahagi nang swab testing sa Boracay simula noong araw ng Martes, nasa 143 na mga Muslim vendors ang isinailalim sa RT-PCR tests at 103 ang mga empleyadong naka-assign sa Caticlan ag Cagban port.

Nasa P10 milyon ang itinakdang pondo ng Department of Tourism para sa naturang testing na idinaan sa lokal na pamahalaan ng Aklan matapos magpositibo sa deadly virus ang isang empleyado ng high-end resort sa Station 1 noong Disyembre 14, 2020.

Layunin umano ng swab testing na masigurong ang 4,000 mga frontliners sa isla ay ligtas sa sakit lalo pa at patuloy na tumataas ang tourist arrivals sa Boracay.