-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO- Nakauwi na sa probinsya ng Cotabato ang umaabot 144 na mga stranded sa siyudad ng Davao sa tulong ng Task Force Sagip.

Karamihan sa mga nakauwi ay mga estudyante, mga manggagawa na na-lay off sa kanilang mga trabaho at mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na inabutan ng lockdown sa Davao City.

Sinabi ni Cotabato 2nd District Board Member Dr Philbert Malaluan, Chairman ng Inter-Agency Task Force on COVID-19, pagdating pa lang sa hangganan ng Makilala Cotabato at Bansalan Davao Del Sur isinailalim ang mga ito sa strict scanning at decontamination process na isinagawa ng Bureau of Fire Protection (BFP-North Cotabato).

Tiniyak naman ng TF Sagip Stranded na kumpleto ang mga umuwing residente ng probinsya ay mga kaukulang papeles tulad ng 14-day symptom-free quarantine certificate at letters of acceptance mula sa kani-kanilang mga Local Government Unit (LGU).

Siniguro ni BM Malaluan na sasailalim pa din ang mga ito sa mahigpit na 14-day mandatory quarantine sa mga isolation facilities pagdating sa kanilang mga bayan.

Magpapatuloy pa din ang provincial government sa pagtulong sa mga kababayang naabutan ng lockdown sa ibat ibang lugar sa bansa.

Samantala, dumating na din ang unang batch ng stranded Cotabateños mula sa Dumaguete City at agad na isinailalim sa 14-day mandatory quarantine sa kanilang mga bayan.

Nagpasalamat naman ang lokal na pamahalaan sa probinsya ng Cotabato kay Davao City Mayor Inday Sara Duterte-Carpio na siyang gumastos sa ginamit na Mindanao Star Bus at mga pagkain ng ating mga kababayan, Congressman Joel Sacdalan, Congressman Jose “Pingping” Tejada, Philippine National Police (PNP-Cotabato) at iba pang tumulong na makauwi ang mga na-stranded nating mga kababayan.