-- Advertisements --

ROXAS CITY – Kawalan ng trabaho dahil sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) at pagkalam ng sikmura dahil sa gutom ang nagtulak sa isang ama na magnakaw para may makain ang pamilya.

Ito ang sinabi ng magnanakaw sa may-ari ng bahay na si Grace matapos naaktuhan na nasa loob ng bahay kasama ang isang binatilyo na pawang may takip ang mukha.

Aminado ang ginang na natakot ito at nag-alala sa mga anak na kasama niya sa bahay matapos siya tutukan ng kutsilyo ng suspek.

Ngunit sinabi raw agad ng suspek na wala itong planong saktan ang mag-iina at ang tanging pakay lamang ay pera at pagkain para sa gutom na mga anak matapos mawalan ng trabaho dahil sa COVID-19.

Bilang magulang, nakaramdan ng awa si Grace a suspek kaya pinahintulutan nitong kunin na lamang ang lahat ng pagkain sa refrigerator at P5,500 na pera sa kanyang bag.

Kabilang sa mga pagkain na dinala ng suspek na isinilid sa punda ng unan ay ang marinated na bangus, salad, hotdog, noodles, chocolates at iba pa.

Nagpasalamat naman ang magnanakaw sabay ang paghingi ng patawad sa ginang na kailangan pa nilang magnakaw para may makain ang gutom na pamilya.

Samantala ayon sa ginang, kahit may takip ang mukha ng suspek ay makikilala niya ito kung makikitang muli.

Napag-alaman na kasama ng ginang ang dalawang menor de edad na anak sa bahay nang mangyari ang pagnanakaw dahil nasa trabaho ang asawa na isang kasapi ng Philippine Army.