Binigyang-diin ng Department of Labor and Employment (DOLE) na kailangan umanong busisiin nang maigi ang magiging epekto ng panukalang batas na naglalayong bigyan ng 14th month pay ang mga empleyado sa pribadong sektor.
Sinabi ni Labor Sec. Silvestre Bello III, hihintayin muna nito ang gagawing pag-aaral sa impact ng 14th month pay bago nito suportahan ang nasabing panukala.
Ayon pa sa kalihim, kinakailangan daw ang assessment dahil sa sakop ng 14th-month pay ang lahat ng kompanya, kasama na ang micro, small and medium enterprises.
“We support anything that benefits our workers and their families. However, we must ensure that the proposal will not cause imbalance between the needs of labor and the capability of employers,” wika ni Bello.
Sa Senate Bill 10 na inihain ni Senate President Vicente Sotto III noong Lunes, layuning madagdagan ng isa pang buwan ang ibinabayad sa mga empleyado’t manggagawa upang umagapay sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin.