KORONADAL CITY – Nasa kustodiya na ngayon ng mga otoridad ang isang sundalo matapos maaresto sa umano’y panggagahasa sa isang 15-anyos na dalagita sa loob mismo ng detachment sa lungsod ng Tacurong.
Ito ang kinumpirma ni Police Lt. Lilineth Q. Bagaforo ng Womens and Childrens Police Desk (WCPD) ng Tacurong PNP sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Bagaforo, personal na itinuro ng menor de edad na biktima ang suspek sa mga pulis na siya umanong gumahasa sa kanya kaya’t inaresto ito.
Lumabas sa kanilang imbestigasyon na inanyayahan ang biktima ng kanyang dalawang kaibigan na pumunta sa loob ng detachment habang nag-iinuman umano ang mga kasamahan ng suspek.
Matapos ang inuman ay doon na umano ito hinalay ng suspek.
Nagawa naman ng biktima na makaalis sa detachment matapos ang pangyayari kaya’t tinulungan agad ito ng DSWD at isinailalim sa medico legal.
Positibo naman ang resulta ng medico legal na nagalaw ang biktima kaya’t agad na isinampa ang kasong rape laban sa hindi pinangalanang sundalo.