-- Advertisements --

ROXAS CITY – Patuloy na ginagamot ngayon sa ospital ang isang binatilyo na nasugatan sa engkwentro ng rebeldeng New People’s Army at mga kasapi ng militar sa Barangay Tacayan, Tapaz, Capiz.

Ito ang kinumpirma mismo ng tagapagsalita ng 3rd Infantry Division-Philippine Army na si Major Cenon Pancito III sa panayam ng Bombo Radyo.

Ang hindi na pinangalanang biktima ay may edad na 15 anyos na nagtamo ng sugat sa kaniyang hita.

Ayon sa opisyal, tumagal ng halos limang minuto ang palitan ng putok ng hindi bababa sa limang mga rebelde at mga kasapi ng Community Support Program Team ng militar.

Wala umanong nasugatan sa hanay ng militar ngunit tinamaan ng bala mula sa mga rebelde ang naturang sibilyan.

Posible umanong napagkamalang miyembro ng militar ang binatilyo kung kaya’t binaril ito nang makita ng mga rebelde.

Nabatid na nagsasagawa umano ng Community Support Program to End Local Communist and Conflict (ELCAC) ang kasapi ng militar sa lugar nang mangyari ang naturang insidente.