-- Advertisements --

ROXAS CITY – Naglakas-loob na lumapit sa Bombo Radyo ang 15 taong gulang na estudyante sa isang secondary public school sa Capiz dahil sa nararanasan nitong ‘bullying’ sa paaralan kasunod ng pag-akusa sa kaniya na siya ang babae sa kumakalat na sex video sa lalawigan.

Ayon kay alyas MJ, ilang araw na siyang hindi nakakapasok sa kanilang paaralan dahil hindi na nito kaya ang panunukso ng kaniyang mga kamag-aral.

Emosyunal si MJ nang inihayag nitong sinisigawan siya ng kaniyang mga kamag-aral mula sa corridor na si ‘viral girl’ dahil sa kumakalat na sex video.

Sa kabila na pinasinulingan na nito na siya ang babae sa naturang video ay hindi pa rin umano siya tinitigilan ng kaniyang mga kamag-aral at maging ang mga guro aniya ay halos walang ginagawang aksyon sa pambubully sa kaniya.

Nabatid na kumalat ang higit sa dalawang minutong video kung saan makikita ang pagtatalik ng dalawang estudyante sa nakasuot pa ng school uniform.

Ngunit laking gulat na lamang ni MJ na siya ang tinuturong babae sa video at naging tampulan na ng tukso sa kanilang paaralan.