Agaw atensiyon at patuloy na pinag-uusapan sa nagpapatuloy na 2017 SEABA Under-16 Championships ang 6’11” na 15-anyos na si Kai Sotto na miyembro ng Batang Gilas.
Kanina ay naitala ng mga batang Pinoy ang ikalawang sunod na panalo makaraang ilampaso ang Indonesia sa score na 96-73 na ginanap sa Smart Araneta Coliseum.
Ang laro ng batang Gilas ay pinanood din ng Gilas Pilipinas team dahil sa wala silang laro nitong Lunes.
Nagtala ng triple-double performance ang Batang Gilas stalwart na si McLaude Guadana na nagmula sa Lyceum Cavite na may 19 points, 11 assists at 10 rebounds.
Aminado ang Gilas national head coach na si Chot Reyes na bilib siya sa ipinapakitang galing ng mga bata lalo na si Kai Sotto.
Umaasa ito na hindi mabubuwag ang team bilang future national players ng bansa na sasabak sa international competitions.
Ang iba pang Gilas members at PBA players ay nagsabi na mistulang hindi Under-16 ang galaw ng mga talentadong Batang Gilas.
Ayon kay Reyes, kahanga-hanga ang diskarte ni Sotto, na coordinated ang mga galaw sa kanyang edad at tangkad.
Nagtapos sa game si Sotto na may 12 points, seven rebounds at two blocks.
Si Kai ay anak ng dating PBA player (2004-2012) na si Ervin Sotto na ang height ay nasa 6’11” din.
Nag-aaral si Kai sa Ateneo de Manila High School at miyembro rin ng varsity team na Ateneo Blue Eaglets.
Tinanghal na rin siya sa UAAP bilang Rookie of the Year.