CEBU CITY – Mahaharap sa kasong administratiba at kriminal ang 15 mga indibidwal kung saan kasama na rito ang iilang mga dati at ‘incumbent’ na mga opisyal ng Cebu City Government.
Ito ay kaugnay sa diumano’y anomaloso na ‘garbage collection scheme’ na umabot ng P240 million.
Inihayag ni National Bureau of Investigation (NBI) 7 Regional Director Atty. Renan Oliva na kanilang nadiskubre ang tatlong ‘modus operandi’ sa pagkolekta ng mga basura nitong lungsod at ito’y may kaugnayan sa overbilling, padding at ang sinasabing ‘ghost garbage deliveries’.
Kasama sa mga mahaharap sa kaso ay sina dating City Administrator Atty. Floro Casas, Jr., Department of Public Services head Atty. John Jigo Dacua; Cebu Environment and Sanitation Team (CESET) head at dati ring Garbage Collection and Disposal in-charge, Grace Luardo; acting City Treasurer Mare Vae Fernandez at iba pang opisyal ng DPS.
Sinampahan rin ng criminal charges ng NBI 7 ang mga pribadong indibidwal ng Docast Construction at JJ & J Construction and General Supply.
Nag-ugat ang nasabing kaso matapos na nag-request si Cebu City Mayor Michael Rama ng imbestigasyon sa kanyang inilarawan na ‘irregular’ at anomalosong mga kontrata na pinasok ng City Government kasama ang mga nasabing contractor.