Napabagsak ng US at allied forces nito ang nasa 15 one-way attack drones na inilunsad ng Houthi rebels mula sa Yemen na sinusuportahan ng Iran ngayong araw ng Sabado.
Ito ay nangyari sa may Red Sea at Gulf of Aden ayon sa impormasyon mula sa US military.
Ito na ang itinuturing na isa sa pinakamalaking pag-atake ng Houthis mula noong Nobiyembre nang simulan nila ang paglulunsad ng drone at missile strikes laban sa mga sasakyang pandagat na naglalayag sa may Red Sea na konektado sa Israel bilang pakikiisa sa kaayado nilang Hamas sa Gaza.
Ayon sa US Central Command (CENTCOM) at coalition forces, ang nasabing drones ay nagpapakita ng banta para sa merchant vessels, sa US Navy at coalition ships sa rehiyon.
Ginawa din aniya ang naturang aksiyon para protektahan ang kalayaan sa paglalayag at gawing mas ligtas at secure ang international waters.
Matatandaan na unang inanunsiyo ng US noong Disyembre na magsasagawa ito ng maritime security initiative para protektahan ang Red Sea shipping mula sa mga pag-atake ng Houthis na nagbunsod sa mga commercial vessels na lumihis ng kanilang ruta na nagpapahaba ng kanilang paglalayag.