(Update) CENTRAL MINDANAO – Bumalik na sa kanilang katinuan ang 15 mga estudyante na sinaniban umano ng masamang espiritu sa probinsya ng Sultan Kudarat.
Ayon kay Barangay Kagawad Jay-ar Tolentino ng Barangay Mamali sa Lambayong, Sultan Kudarat, umaabot sa 15 estudyante ng Mamali High School ang sinaniban ng engkanto.
Sinabi ni Tolentino na pumasok sa katawan ng mga biktima ang masamang espiritu pagkatapos putulin ang malaking puno ng mangga sa loob ng paaralan.
Nangisay ang mga estudyante, nagsisigaw, nag-iba ang kanilang boses, sobra ang lakas, mamula-mula ang mata at pagkatapos ay nawalan ng ulirat.
Nagpasaklolo ang mga guro sa mga prayer leaders sa simbahan kaya kumalma ang mga estudyante.
Una nang pinutol ang malaking puno ng mangga sa paaralan dahil delikado ito sa mga estudyante at guro tuwing nahuhulog ang mga patay na sanga.
Isang albularyo umano ang nagsabi na “nagalit ang engkanto na nakatira sa puno ng mangga dahil nasaktan ang kanyang dalawang anak ng ito ay putulin.”
Nakatakda namang mag-alay ng dasal at bendisyon ang isang pari sa paaralan para lumayas ang masamang espiritu.