Nagwakas na ang impresibong 15-game winning streak ng NBA champion na Toronto Raptors makaraang masilat sila ng Brooklyn Nets, 101-91.
Nagbuhos ng 20 points si Caris LeVert para mamayani sa Nets, na tinapos na rin ang kanilang six-game losing skid kontra sa Raptors.
Umasiste rin para sa Nets si forward Joe Harris na kumamada ng 19 points, at si Spencer Dinwiddie na may 17 points at siyam na assists.
Sa panig ng Raptors, hindi nagbunga ang 28-point performance ni Serge Ibaka na kababalik lamang makaraang lumiban ng isang laro dahil sa sakit.
Umiskor ng 22 marka si Fred VanVleet at may triple-double na 12 points, 12 assists at 11 rebounds si Kyle Lowry.
Napalawig ng Nets ang kanilang 10-point lead matapos ang tatlong quarters sa 80-65 sa pagbubukas ng final canto at iginugol ang nalalabing bahagi ng laro sa pagsopla sa bawat pagtatangka ng Toronto.
Bagama’t nagpumilit ang Raptors na humabol tampok ang 3-pointer ni Ibaka at three-point play ni VanVleet para tapyasin sa 91-82 ang iskor sa huling 4:13, nagsalpak ng magkakasunod na baskets si LeVert upang itulak muli sa double figures ang kanilang lamang.