-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Nagsasagawa na ngayon na 3rd degree contact tracing ang MHO at Local IAFT ng bayan ng Surallah, South Cotabato sa mga nakasalamuha ng isang babaeng senior citizen na pinakaunang nakumpirmang infected ng covid-19 delta variant sa nabanggit na bayan.

Ito ang kinumpirma ni Mayor Antonio Bendita sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Ayon kay Bendita, nasa 15 households o pamilya sa Villanueva Plains Subdivision, Zone 1, Surallah South Cotabato ngayon ang isasailalim sa swab test na may close contact sa nagpositibo sa delta variant.

Sa ngayon, ipinapatupad na ang One Entry and One Exit Policy sa nabanggit na lugar na magtatagal hanggang Agosto 31, 2021.

Nasa higit 200 mga kabahayan naman ang apektado ng hard lockdown na bibigyan naman ng ayuda o food packs ng local government unit.

Napag-alaman na walang travel history sa labas ng South Cotabato ang pasyente ngunit kasapi umano ito ng Bikers club at ang isang anak nito ay nagtatrabaho naman sa munisipyo.

Tinitingnan naman ng LGU ang posibilidad na may local transmission na sa nabanggit na bayan ngunit kailangan pa umanong kumpirmahin .