Na-rescue ang nasa 15 indibidwal na napulat na nawawala sa Masbate sa kasagsagan ng Bagyong Jolina.
Ito ang kinumpirma ni National Disaster Risk Reduction and Management Council spokesperson Mark Timbal, batay sa kanilang latest situationer report.
Sinabi ni Timbal, umaabot na sa 20 ang kabuuang nasagip kasama na ang naunang limang mangingisda sa Catbalogan, Samar.
Sa ngayon, bumaba na sa apat ang kumpirmadong nawawala na pinaghahanap pa ng mga otoridad.
Sinabi pa ni Timbal na may tatlo pang mangingisda na napaulat na nawawala pero kasalukuyang bineberipika pa ito.
Samantala, nananatili sa isa ang kumpirmadong nasawi sa pananalasa ng bagyong Jolina at 16 ang kumpirmadong nasugatan.
Maliban dito, may natanggap pa silang 13 napaulat na nasawi pero ito ay bineberipika pa nila mula sa mga local DRRMO at mga pulis.
Pagdating naman sa mga naapektuhan ng bagyo, umabot na sa 109,680 na indibidwal ang kanilang bilang.