-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Sumuko sa tropa ng pamahalaan ang 15 na kasapi ng Militia ng Bayan sa ilalim ng New People’s Army na mayroong operasyon sa Mountain Province.

Sumuko sa bayan ng Natonin ang anim na supporters ng rebeldeng grupo habang sumuko naman sa bayan ng Bauko, partikular sa Barangay Bagnen Proper at Bagnen Oriente ang siyam na iba pa.

Isinuko ng mga naturang indibiduwal ang tatlong rifle, isang granada, isang haldheld radio at subversive documents.

Nasa kustodiya na ng Mountain Province Police Provincial Office ang mga rebel returnees para makinabang ang mga ito sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program ng pamahalaan.

Ayon kay Police Regional Office Cordillera Regional Director, PBGen. R’win Pagkalinawan, ang pagsuko ng 15 na Militia ng Bayan ay resulta ng mas maayos na pakikipag-dayalogo at koordinasyon ng tropa ng pamahalaan sa komunidad.