CENTRAL MINDANAO-Labinlimang mga indibidwal na nabibilang sa mahirap na pamilya sa Barangay Amas, Kidapawan City ang nakabiyaya ng libreng Birth Certificate sa ilalim ng Free Late Birth Registration ng City Government ng Kidapawan.
Mismong si Kidapawan City Legal Officer Atty. Jose Paolo Evangelista ang nanguna sa ginanap na distribution ng birth certificate sa Barangay Amas covered court kahapon.
Kasama ni Atty. Evangelista si Barangay Amas Chairman Nelvin Naviamos sa pamamahagi ng naturang mga birth certificates sa mga benepisyaryo.
Ayon kay Atty. Evangelista, layon ng programa na mabigyan ng kaukulang dokumento ang mga residente sa lungsod na mula’t sapul ay walang birth certificate.
“Karapatan ng bawat isa na magkaroon ng pagkakakilanlan kaya sa pamamagitan ng ating programa ay mabibigyan ng solusyon ang problema sa kawalan ng birth certificate”, ayon pa kay Atty. Evangelista.
Katuwang naman ang City Civil Registrar office na pinamumunuan ni Raul Malaluan sa pag proseso sa mga dokumento para sa mga benepisyaryo.
Dagdag ng opisyal, ito ay bilang suporta na rin sa adbokasiya ng Philippine Statistics Authority o PSA na mapa rehistro o mabigyan ng birth certificate ang lahat upang matamo ang wastong detalye sa census na gagawin.
Ilan sa mga nakakuha ng birth certificate ay kinilalang sina Leonor Sajonia, 71 years old, Elizabeth Bondosan, 49; Leonila Sabmanan, 57; Filipina Dapan, 72; Avino Magpangkat, 72; at Sittie Mundas, 55.
Ipinagpasalamat naman ni Barangay Amas Chairman Naviamos ang pamamahagi ng birth certificate kasabay ang pahayag na natugon na rin ang matagal ng inaasam ng ilan niyang mga constituents na matagal ng umaasam na magkaroon ng birth certificate.
Samantala, maliban sa Barangay Amas, daan-daan na ring iba pang mga indibidwal mula sa Barangay Perez, Birada, Balabag, Kalaisan, at Singao ang una ng nabigyan at nakinabang sa libreng birth certificate at free late birth registration ng City Government of Kidapawan at gagawin din ito sa iba pang mga barangay sa lungsod.