-- Advertisements --

Ipinasara ng Commission on Higher Education (CHED) ang nasa 15 maritime programs sa bansa simula noong 2022 dahil sa non-compliance sa maritime standards.

Ito ang iniulat ni CHED chairman Prospero De Vera III sa isinagawang multi-sectoral meeting sa Malacanang.

Sinabi din ni De Vera na nagpatupad ng limang taong moratorium simula noong nakalipas na taon sa bagong maritime training programs para maprayoridad ang evaluation ng mga existing program at masuri ang compliance ng mga paaralan sa international standards.

Ito aniya ang kauna-unahang pagkakataon na nagdeklara ng moratorium sa buong kasaysayan ng maritime education na nagpapakita na determinado ang CHED katuwang ang Maritime Industry Authority (MARINA) na mabusising maigi ang lahat ng mga maritime programs.

Inihayag din ng CHED chairman na dapat mabantayan ang mga maritime schools at matiyak na may mga kaukulang kagamitan, competent na mga guro, maayos na pasilidad upang maging akma sa standard ng European maritime safety standards.

Kasunod na rin ito ng naging desisyon kamakailan ng European Commission na palawigin pa ang recognition o pagkilala sa certificates ng mga seaferers para makapagtrabaho sa flagship European vessels.

Una ng nagbabala ang European Union sa pag-ban ng mga Pilipinong seaferer na makapagtrabaho sa kanilang vessels dahil sa kabiguan ng Pilipinas na makapasa sa International Convention on Standards of Training.