LA UNION – Kinupkop ng isang pulis ang 15 pamilya o kabuuang 69 na indibiduwal simula noong Linggo nang pumutok ang bulkang Taal sa Batangas.
Napag-alaman mismo ng Bombo Radyo La Union kay Lt. Col. Mary Crystal Peralta, information officer ng Police Regional Office 1 (PRO-1) na mayroon itong naipundar na bahay at lupa sa Brgy. Luya, San Luis, Batangas nang ma-assign siya sa Calabarzon sa loob ng 10 taon.
Ayon kay Peralta, nakikisilong ngayon sa kanyang bahay ang 35 adult kasama ang 34 na mga bata matapos iwan ang kanilang mga tahanan dahil sa pangambang kapahamakan sa pag-aalburuto ng bulkan.
Karamihan umano sa mga evacuees ay magsasaka mula sa Barangay San Nicolas at Taal, Batangas.
Aminado si Lt. Col. Peralta na siksikan ngayon ang mga tao sa kanyang bahay, ngunit mas mainam na rito dahil may tubig at kuryente.
Nabigyan na rin ang mga ito ng mga relief goods.
Samantala, dinala na rin ng Region-1 Mobile Force Batallion sa REGION 4-A Calabarzon ang tulong at voluntary contribution ng mga pulis sa buong Region One, para sa mga inilikas na residente mula sa Taal eruption.
Gayunman, nananawagan pa rin si Lt. Col. Peralta sa mga Ilocano na mag-abot pa ng karagdagang tulong para sa mga nangangailangan sa lalawigan ng Batangas.
Dagdag pa ng opisyal na nakakaranas na rin ito ng sipon at pananakit ng dibdib dahil sa nalalanghap na abo na ibinubuga ng Bulkan Taal kung kayat palagi silang nakasuot ng protection mask.