-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Nasa ligtas na ang kalagayan ang magkakamag-anak na sakay sa lumubog na bangka sa Sagay City, Negros Occidental kahapon ng hapon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Jansen Perez ng Sagay City Disaster Risk Reduction and Management Office, nasa 15 pasahero at dalawang crew ang sakay ng motor banca na papuntang Carbin Reef sa Sagay Marine Reserve.

Ngunit habang papalapit ang mga ito sa Carbin Reef, biglang humampas ang malakas na alon kaya’t pumasok ang tubig sa bangka na nagresulta sa paglubog nito.

Kaagad namang rumesponde ang Philippine Coast Guard, Sagay CDRRMO personnel, Association of Sagay Ferry Boat at mga mangingisda upang iligtas ang mga sakay sa motor banca.

Kabilang sa mga pasahero ang anim na mga bata, isang senior citizen at isang person with disability.

Kaagad silang dinala sa Sagay City Health Office upang matingnan ang kanilang kondisyon at may nagsagawa rin ng psychological briefing.

Ayon kay Perez, mula sa Talisay City at Murcia, Negros Occidental ang mga pasahero at papuntang Carbin Reef para sa family reunion.