Ipinag-utos na ni Russian President Vladimir Putin ang imbestigasyon kaugnay sa pagguho ng dam sa isang minahan ng ginto sa Siberia.
Bago ito, nag-iwan ng 15 patay at 13 nawawala ang nasabing insidente, na naganap sa Seiba river sa rehiyon ng Krasnoyarsk matapos ang malakas na buhos ng ulan.
Isinugod na rin sa pagamutan ang 14 iba pang minero, kabilang na ang tatlong malubhang nasugatan.
Ayon sa tagapagsalita ni Putin, inatasan na rin ng Russian chief executive ang mga opisyal na magbigay ng tulong sa mga nadamay sa insidente.
Inanod ng baha ang ilang maliliit na cabin kung saan pinaniniwalaang naninirahan ang mga manggagawa.
Sinabi naman ni Yuri Lapshin, pinuno ng Krasnoyarsk regional government, binuksan na umano nila ang isang criminal investigation upang silipin ang umano’y mga paglabag ng dam sa umiiral na safety regulations. (BBC)