Umaabot na sa 15 mga Pinoy athletes ang nag-qualify na sasabak na rin sa nalalapit na Tokyo Olympics simula sa July 23, 2021.
Ito ay makaraang kumpirmahin ngayon ni Philippine Track and Field Association President Philip Juico na pasado na rin ang Fil Am sprinter na si Kristina Knott.
Si Knott na dating gold medalist sa SEA Games noong 2019 ay ang ika-15 atleta na sasabak sa Olympiyada sa Japan.
Gayunman ang track star ay nagpositibo sa COVID-19 at naka-isolate na umano ito doon sa Sweden.
Ito ay sa kabila na siya ay fully vaccinated na laban sa virus.
Bago ito, inanunsiyo rin ng Philippine Judo Federation na ang ika-14 naman na atleta na pasok na rin sa Olympics ay ang judoka na si Kiyomi Watanabe.
Si Watanabe ay nag-qualify sa pamamagitan ng continental quota sa women’s -63 kg division kung saan pumuwesto siya sa 41st spot na may kabuuang 1506 points.
Ang 24-anyos na judoka ay dating four-time Southeast Asian Games gold medalist at 2018 Asian Games silver medalist.
Siya ang unang Pinay na sasabak sa judo sa Olympics.
Ang iba pang mga Pinoy na tutungo sa prestihiyosong Tokyo Olympics kung saan hanggang ngayon ay hindi pa nakakasungkit ng gold medal ang Pilipinas ay kinabibilangan nina Juvic Pagunsan sa golf, pole vaulter EJ Obiena, gymnast Carlos Yulo, rower Cris Nievarez, taekwondo jin Kurt Barbosa, skateboarder Margielyn Didal, air rifle shooter Jayson Valdez, weightlifters Hidilyn Diaz at Elreen Ando, at boxers Eumir Marcial, Nesthy Petecio, Irish Magno at Carlo Paalam.