Kinumpirma ni PNP Chief PGen. Oscar Albayalde na kaniya ng ibinalik ang nasa 15 police escorts para kay Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Aaron Aquino.
Inihayag ito ni Albayalde kasunod ng inilabas na pahayag ni Aquino sa media na nakatatanggap ito ng kaliwa’t kanang banta sa kaniyang seguridad matapos maglahad ng testimoniya sa pagdinig ng senado hinggil sa usapin ng ninja cops.
Ayon kay Albayalde, maliban kay Aquino, maaari rin niyang bigyan ng security detail si Baguio City Mayor Benjamin Magalong na una na ring naghayag ng pangamba sa seguridad ng kaniyang pamilya.
Kinumpirma ni PDEA Spokesperson Derrick Carreon na noong September 26 ng naibalik ng PNP ang security detail para kay Aquino.
Sinabi ng PNP Chief, bilang pagmamahal sa bayan at bilang isang propesyunal na sundalo tulad din nila Magalong at Aquino kaya’t binibigyan niya ang mga ito ng proteksyon sa ilalim ng batas kasabay ng pagtupad sa kanilang mandato.